L300 van at dump truck nagsalpukan sa Quezon City

Sugatan ang driver ng isang L300 van matapos bumangga ang minamanehong sasakyan sa likurang bahagi ng isa namang dump truck sa kahabaan ng Quezon Avenue.

Nakilala ang driver na si Dave Sante, 29 na taong gulang. Habang maswerte namang nakaligtas ang kasama ito na si Cyrus Davila.

Kwento ni Davila, papunta sila ng Quiapo, Maynila para mag-deliver ng mga bed sheet.

Aminado ito na mabilis ang kanilang takbo. Kaya naman nang biglang mag-U turn ang dump truck sa kanilang harapan ay hindi na nagkaroon ng panahon si Sante para mag-preno.

Ayon naman sa driver ng dump truck na si Rogelio Fuertes, mabagal lamang ang kaniyang pagmamaneho kaya laking gulat niya nang makarinig ng kalabog sa likuran ng kanyang sasakyan.

Nang siyasatin kung saan nagmula ang tunog ay doon na niya nakita ang nayuping bumper ng L300.

Inaalam pa ng mga otoridad kung sino sa dalawang driver ang may pananagutan sa insidente.

Read more...