Malacañang pumalag sa pag-uugnay sa Cambridge Analytica

Pumalag ang Malacañang sa ulat na binayaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Cambridge Analytica para magamit ang Facebook kanyang pangangampanya sa online noong 2016 presidential elections.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nanalo ang pangulo sa naturang eleksyon dahil sa tiwala at boto ng labing anim na milyong Filipino at hindi dahil sa pagbabayad sa online consultancy firm.

Iniuugnay ang nasabing onlime firm sa pagnanakaw ng ilang personal informations ng mga Facebook users.

Base sa report sa isang pahayagan sa Hong Kong, nakipagpulong noong 2015 kay dating Cambridge Analytica Executive Alexander Nix sina dating National Press Club President at ngayo’y Presidential Communications Office Usec. Joel Egco, social media strategist na sina Pompee Laviña at campaign spokesperson Peter Laviña.

Sinabi pa ni Roque na hindi galing sa Facebook o sa online social media ang suportang natanggap ng pangulo kundi maging sa lahat ng sektor.

Iginiit pa ni Roque na hindi makatwiran ang alegasyon sa pangulo nang wala namang mabigat na ebidensya.

Iginiit naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez na tumatayong treasurer noon sa Duterte campaign camp na wala siyang binayaran sa Cambridge Analytica para palakasin ang suporta kay Duterte.

Read more...