Babae, 2 menor de edad, arestado sa buy-bust operation sa Quezon City
Kabilang ang dalawang lalaking menor de edad sa naaresto ng mga otoridad sa ikinasang drug buy bust operation ng pinagsanib pwersa ng Quezon City Police District District Drug Enforcement Unit (QCPD-DDEU) at District Special Operations Unit (DSOU) sa isang apartelle sa kahabaan ng Congressional Avenue na sakop ng Barangay Bahay Toro, Quezon City.
Nakilala ang mga suspek na sina Christina Molina, 29; at dalawang 16 at 17 taong gulang na binata, na pare-parehong mula sa Maynila.
Ayon kay Police Senior Inspector Rodante Albano ng QCPD DSOU, pangunahing target ng kanilang operasyon si alyas Khalib na kinakasama umano ni Molina.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong bulto o 15 gramo ng shabu na may street value na ₱75,000.
Kwento ng 17 taong gulang na binata, kinausap ni alyas Khalib at sinabi na mayroon umano itong order ng iligal na droga. Kaya naman kinausap ng binata ang kanyang kaibigang 16 na taong gulang na mayroon namang kakilalang source ng shabu.
Ayon sa dalawang binata, dadalhin nila ang droga sa Quezon City ngunit hindi nila alam kung saan ito, kaya naman kinausap ni alyas Khalib si Molina para ihatid ang mga binata.
Depensa ng mga suspek, dala lamang ng kahirapan at pangangailangan ng pera kaya nila nagawang magtulak ng droga.
Napag-alaman ng mga otoridad na dating kinakasama ni Molina ang isa ring notorious na tulak ng droga sa Quezon City.
Ayon kay Barangay Bahay Toro Kagawad Reymond Herrera, bihira na ang nahuhuling residente ng kanilang barangay na gumagamit at nagtutulak ng iligal na droga.
Kadalasan umano sa mga naaarestong may kinalaman sa droga ay mula sa ibang lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.