23 infra projects ng gobyerno, aprubado na

Nakalusot na sa mga kinakailangang proseso ang 23 infrastructure project na kasama sa prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominquez III, kabilang ang nasabing proyekto sa kabuuang 75 na tinawag nitong ‘high-impact’ at ‘big tickets project’ sa ilalim ng ‘Build, Build, Build program.’

Sinabi ni Dominquez na inaasahan naman nila na matapos na rin ang proseso para maaprubahan ang iba pang proyekto bago matapos ang kasalukuyang taon.

Paliwanag ng kalihim, upang mapabilis ang proseso ng pag-apruba sa nasabing mga proyekto tinatapos na ang Department of Finance at National Economic and Development Authority ang panuntunan para sa pagpapatupad ng “three-in-one process” kung saan ang ‘green light’ ng NEDA board, ‘forward obligational authority’ at ‘special presidential authority’ ay ipalalabas ng isahan na lamang.

Bukod dito, palalakasin din anila ang ‘right-of-way’ at ang ‘land resettlement’.

Sa ilalim ng “Build, Build, Build” plano ng gobyerno na lumikha ng 75 proyekto kung saan target na matapos ang kalahati nito sa termino ni Pangulong Duterte.

Gagastos sa sinasabing ‘game-changing projects’ ang pamahalaan ng tinatayang P8 trillion sa ayon sa pamahalaan ay modernong imprastraktura.

Mula sa 2.9 percent noong 2016 umakyat sa 5.4 percent noong nakalipas na taon ang infrastructure spending ratio sa gross domestic product ng bansa.

Target ng pamahalaan na umakyat ang infrastructure share sa GDP ng 6.3 percent ngayong taon at nais namang pumalo ito sa 7.3 percent ang pagdating ng taong 2022.

Read more...