Halos dalawang daang iba’t-ibang uri ng baril ang itinurn-over ng labing isang bayan ng Lanao del Sur sa Joint Task Force Ranao.
Pinangunahan ng mga alkalde ng labing-isang bayan ng Lanao del Sur ang turn over na personal namang sinaksihan ng pinuno ng JTF Ranao na si Major General Roseller Murillo.
Sa kabuuang 163 baril, 156 na high powered firearms at 7 low powered firearms ang galing sa mga bayan ng Saguiran, Madalum, Bayang, Lumbatan, Calanogas, Ganassi, Binidayan, Balindong, Tugaya, Pagayawan, at Madamba.
Ayon kay Murillo, ang pag recover sa mga loose firearms ay bilang bahagi ng rehabilitation effort ng pamahalaan matapos ang Marawi Siege.
Sinabi nito na ang pagkakaroon ng mga matataas na uri ng baril sa lalawigan ang isa sa dahilan ng paglakas ng armed conflict in Lanao del Sur.
Nagpahayag naman ng kanilang buong suporta sa kampanya ng JTF Ranao ang mga alkalde ng mga bayan sa nasabing lalawigan upang makamit ang kapayapaan sa probinsya.
Patunay anya rito ang pag-turn-over sa militar ng mga nasabing uri ng baril na ayon sa mga alkalde ay simula pa lamang sapagkat marami pa ang kasunod nito.