12 bagong motorsiklo gagamitin ng MPD-SWAT para sa pagbabantay ng seguridad sa darating na eleksyon
Mas pinalakas pa ng Manila Police District ang kanilang hanay para matutukan ang darating na halalan.
Nitong Huwebes lang kasi, dumating na sa kanilang tanggapan ang nasa 12 bagong motor na gagamitin ng kanilang Special Weapons and Tactics o SWAT.
Dahil dito, aabot na sa 26 ang bilang ng kanilang motor na magagamit sa pag-iikot ng 69 SWAT members para mapalakas pa ang kanilang police visibility.
Ayon kay Police Chief Inspector Reynante Parlade Pese, napapanahon lang ang mga bagong motor na galing mula sa National Capital Region Police Office dahil mas makakapagsawata sila ng krimen at makakaresponde sa mga sitwasyon na nangangailangan ng kanilang tulong.
Bukod sa mga motor, nabatid din na sumali sa katatapos lang na SWAT Challenge sa Davao City ang MPD SWAT kung saan nagtapos sila sa ika-10 pwesto.
Dagdag pa ni Pese, nagpalada na rin sila ng 8 tauhan sa NCRPO para sumailalim sa special course habang magtatapos naman ngayong linggo ang nasa 10 nilang myembro ng counter-hijacking course sa Aviation Security Group ng PNP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.