Pilipinas, tatanggap ng Rohingya refugees basta’t gagawin din ng mga bansa sa Europa – Duterte
Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagiging bukas ng Pilipinas na tanggapin ang mga Rohingya refugees mula sa Myanmar basta’t gagawin din anya ito ng mga bansa sa Europa.
Ito ang sinabi ng pangulo matapos niyang muling batikusin ang United Nations (UN) sa natatangap na kritisismo ng administrasyon dahil sa di umano’y isyu sa paglabag sa karapatang pantao sa bansa sa ilalim ng giyera kontra droga.
Iginiit ng pangulo na walang karapatan ang UN na batikusin siya at ang bansa kung mas marami pang mas mahalagang mga isyu tulad na lamang ng krisis na nararanasan ng mga Rohingya Muslims ngayon sa Myanmar.
Hinimok niya ang mga mamamayan na huwag maniwala sa UN yamang hindi nito kayang solusyonan ang Rohingya crisis.
Matatandaang kamakailan ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang pulong balitaan sa Tanauan, Leyte ang kahandaan ng Pilipinas na tumanggap ng Rohingya refugees.
Iginiit ni Roque na ang itinayong Philippine Refugee Processing Center (PRPC) sa Morong, Bataan ang naging daan upang magkaroon ng permanent resettlement sa iba’t ibang mga bansa ang ilang mga Indochinese refugees noong 1980s.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.