Walang inirekomendang makasuhan sa 2nd report ng DOJ sa Mamasapano encounter
Walang sasampahan ng kaso sa ikalawang report ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa naganap na madugong engkwentro sa Mamasapano.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, malinaw na natukoy ang pagkamatay ng siyam na tauhan ng 84th seaborne commandos na kabilang sa 44 na tauhan ng Special Action Force ng PNP na nasawi sa insidente.
Pero sa isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng National Prosecution Service (NPS) walang makapagturo at hindi nakilala ang mga armadong lalaki na pumatay sa siyam na SAF commandos sa Barangay Pidsandawan.
“Wala po tayong puwedeng makasuhan at this point dahil wala ho talagang nakapag-identify sa mga naka-engwkentro nitong 84th Seaborne commando sa Pidsandawan ng ginagawa nila ang hot pursuit sa kinalalagayn ni Marwan,” sinabi ni De Lima.
Sinabi ni de Lima na ginawa naman ang lahat para makakuha ng eyewitness na positibo sanang makapagtuturo sa mga naka-engkwentro ng siyam sa Pidsandawan.
Magugunitang sa naunang report ng NBI at NPS noong nakaraang buwan, sinampahan ng kaso ang 90 indibidwal na nasa likod ng pagkamatay ng 35 tauhan ng SAF na kasapi ng 55th Special Action Company.
Kabilang sa mga kinasuhan ay mga commanders ng MILF, the Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at private armed groups (PAGs).
Sa pagkamatay ng nalalabi pang siyam na SAF, sinabi ni de Lima na bagaman malinaw na ito ay resulta ng deliberate acts ng armadong kalalakihan, ay hindi naman pwedeng mag-conclude na pawang mga miyembro din ng MILF, BIFF at private armed groups ang pumatay sa kanila.
“Hindi tayo pwedeng mag conclude na dahil may na-identify na ilang MILF, BIFF at private armed groups na silang responsible sa pagkamatay ng 35, 55th SAF commandos,” dagdag pa ni De lima
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.