Ang Araw ng Kagitingan ay makasaysayang araw kung saan inaalala ng bansa ang pagbagsak ng Bataan na nagpapakita rin ng katapangan ng mga sundalong Filipino laban sa pwersang Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Sa kanyang mensahe para sa makasaysayang araw na ito, pinuri ng pangulo ang pagsisikap ng mga bayaning nagbuwis ng buhay maibigay lamang sa mga Filipino ang tinatamasang kalayaan sa kasalukuyan.
“Immeasurable sweat, blood and tears were shed and countless lives were lost during this dark chapter in our history to ensure that our people may pursue their endeavors freely,” ani Duterte.
Kasabay nito, nagpahayag naman ang pangulo ng pagkabahala dahil kasabay ng paggunita sa makasaysayang araw na ito ay muli na naman anyang nahaharap sa panganib ang kalayaan ng bansa.
Bagaman walang binanggit na pangalan, iginiit ng pangulo na mayroong mga grupo ang patuloy na yumuyurak sa mga panuntunan at institusyon ng bansa at may hangaring makita ang Pilipinas bilang mahina at sunud-sunuran.
“It is thus disquieting that our commemoration of this historic occasion comes at a time when the very freedoms that the heroes of Bataan fought for are once again imperiled. Forces who wish to see a weak and submissive Philippines continue in their unbridled disrespect for the institutions and laws that embody our aspirations as a people,” dagdag ng pangulo.
Sinabi pa ng pangulo na obligasyon ng bawat isa na ipagtanggol ang dangal ng bayan.
Hangad ni Duterte na ang aral na iniwan ng Bataan ay maging inspirasyon sa mga Filipino na ipagtanggol ang Pilipinas laban sa anumang banta sa soberanya at Kalayaan nito.
“We owe it to our forefathers to demonstrate the same courage and valor that sustained their gallant stand more than seven decades ago. Let the spirit of Bataan inspire us to resist any affront to our dignity and inviolable rights as a free, sovereign and independent nation.” ani Duterte.