TEAM G-A-G: KONTRA KRIMEN AT KORUPSYON sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo
Tatlong bago at “professional” na mga opisyal na may derektang kinalaman sa “peace and order” at “anti-criminality drive”, ang hinirang ni Pres. Duterte nitong nakaraang linggo.
Ang “Mindanao battle-tested” na si Lt. Gen. Carlito Galvez sa AFP, ang istrikto at napakasipag na si Brig. Gen. Oscar Albayalde ng PNP.
Ang ikatlo na hahawak din sa NBI ay ang hinirang na bagong DOJ “ad interim secretary” at number 2 sa 1985 Bar exams na si Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na “right hand man” ni Executive Sec. Salvador “Bingbong” Medialdea.
Ang tatlong ito na tatawagin kong “GAG TEAM” ang siyang lalaban sa “illegal drugs”, krimen at sa “corruption” sa ilalim ng Duterte administration.
Si General Galvez ay 2007 Outstanding Philippine soldier at bilang Wesmincom Commander, napatay nila ang 436 Abu Sayaff members, 276 Rebeldeng komunista, 311 BIFF fighters at 1,065 Maute members. Magreretiro siya sa December 2018.
Si General Albayalde naman ay istrikto lalo na sa mga tiwaling pulis bukod pa sa bumaba ang krimen sa Metro Manila sa pamamahala niya. Robbery incidents bumaba ng 34%, theft-41% at carnapping -51%. Sinibak niya ang buong 1,200 Caloocan police dahil sa di-malutas na mga krimen bukod pa sa maraming pulis na nahuli niyang natutulog sa mga presinto. Bukod dito, wala nang natuklasang shabu lab sa NCR.
Ang tandem nina Generals Galves at Albayalde sa military at police operations ay napakahalaga upang magpatuloy ang “hardline” o kamay na bakal na patakaran ni Duterte laban sa ilegal na droga at kriminalidad. Kasabay dito ang paglilinis sa kanilang mga hanay, lalo na ngayon na dinoble na ng taumbayan ang kanilang mga sweldo at benepisyo.
At kaakibat niyan siyempre ang “professionalism” at pagsunod sa “rule of law” partikular sa mga nag-iingay sa isyu ng “human rights violations”.
Pero dito sa isyu ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ilalim ng bagong DOJ Sec. Menaro Guevarra ay maraming problema ang kailangang ayusin. Maraming “corruption” ang umaalingasaw doon. Bukod dito, may ‘intriga” sa isyu ng “ad interim appointment” ni Guevarra, dahil ibig bang sabihin nito ay “temporary” lamang siya o merong permanente at “long term” appointee? Babantayan natin kung isusumite ng Malakanyang sa Commission on Appointments ang paghirang kay Guevarra na Deputy Executive Secretary din noong panahon ni dating Pnoy Executive secretary Paquito Ochoa. Hinirang din siya ni Pnoy bilang miyembro ng Philippine competition commission (PCC) bago nakumbinsi ni Medialdea na bumalik sa Malakanyang.
Paano na ngayon ang mga kasong isasampa ng DOJ laban kina Pnoy at dating executive Sec. Paquito Ochoa Jr. kung ang bagong secretary ay naging tauhan nila? Paano ang mga kasong isasampa laban kay dating Budget Sec. Butch Abad na kaklase rin ng bagong DOJ secretary?
Sa ganang akin, posible talagang “ad interim” lamang o panandalian ang posisyon ni Sec. Guevarra sa DOJ. Talaga pong kwalipikado siya, pero ang inaantay ng taumbayan ay ang paghahanap ng hustisya sa nakaraang anomaly sa DAP at PDAF ng Pnoy administration.
Isang “campaign promise” ni Pangulong Duterte na kailangang gampanan ngayon ni ad interim DOJ sec. Guevarra kahit, mga dating boss at kaibigan niya ang masagasaaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.