Master plan para sa Boracay kailangan na — Gordon

“Gagawa muna ako ng master plan.”

Ito ang naging pahayag ni Senador Richard Gordon sa isang panayam nang tanungin tungkol sa kanyang opinyon sa pagpapasara ng isla ng Boracay.

Bagaman hindi nagpahayag ng pagtutol tungkol sa nasabing closure ay sinabi naman ni Gordon, na dati nang naging kalihim ng Department of Tourism (DOT), na dapat sana ay nagkaroon muna ng master plan ang pamahalaan upang maging maayos at tuloy-tuloy ang lahat ng mga kailangang gawin sa isla habang ito ay nakasara sa mga turista.

Ani Gordon, sa pamamagitan ng master plan ay lalo pang maisasaayos ang isla na magiging mas kapaki-pakinabang sa mga Pilipino, partikular na ang mga residente dito.

Sinabi rin ni Gordon na hindi naman talaga kailangang ang total shutdown sa Boracay. Aniya, pwede namang gawing part-by-part ang pagsasaayos dito na uumpisahan sa paglilinis at pagkakaroon ng sewerage system ng mga establisyimento sa isla.

Ngunit para kay Gordon, isang “strong message” ang ang pagpapasara ng Boracay lalo na’t peak season ngayon. Aniya, dapat ay magsilbi itong warning sa iba pang mga establisyimento sa buong bansa na sumunod sa mga batas.

Dagdag pa ni Gordon, para sa kanya ay hindi dapat tirhan ng mga non-locals ang Boracay dahil nakakadagdag lamang sila sa eco system ng lugar.

Samantala, sinabi rin ni Gordon na matapos ang pagsasaayos ng Boracay ay dapat hindi payagan ang pagpapatay dito ng mega casino.

Ngunit aniya, kung papayagan naman ito ng pamahalaan ay dapat siguraduhing Filipino-owned ito upang ang mga Pilipino at hindi dayuhan ang makinabang dito.

Read more...