Hanging amihan at Easterlies sabay na nakakaapekto sa bansa
Muling lumakas ang northeast monsoon o hanging amihan at nakakaapekto sa Hilaga at Gitnang Luzon.
Gayunman, ayon sa Pagasa, kasabay ng muling pag-iral ng amihan ay nakakaapekto naman ang Easterlies sa Silangang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Dahil sa northeast monsoon magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at sa mga lalawigan Aurora at Quezon.
Sa Ilocos Region naman at nalalabing bahagi ng gitnang Luzon mararanasan ang bahagyang maulap na kalangitan na may pulo-pulong mahihinang pag-ulan.
Maaliwalas naman ang panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ngunit may posibilidad ng isolated thunderstorms.
Mararanasan naman ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Silangang bahagi ng Visayas at Mindanao partikular sa Caraga bunsod ng Easterlies.
Maaliwalas na panahon ang aasahan sa nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao na may posibilidad ng isolated thunderstorms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.