Bacolod City, naubusan na ng libreng bakuna kontra rabies

Ilang araw matapos aminin ng Department of Health (DOH) na may kakulangan na sa stocks ng anti-rabies vaccine para sa tao sa buong mundo, ay naubusan na nito ang Bacolod City.

Ayon kay Bacolod City Health Office (CHO) rabies coordinator Dr. Diana Rose Laput, hanggang nitong Huwebes na lamang sila nakapagbigay ng libreng bakuna para sa mga animal bite patients.

Simula kahapon, Biyernes, kailangan nang bumili ng mga pasyente sa mga botika o hindi kaya ay magpaturok sa mga pribadong doktor.

Ito anya ay bunsod ng pagkaantala ng delivery ng nasabing mga bakuna sa second quarter ng taon.

Ayon kay Laput, hindi pa sigurado kung kailan magpapatuloy ang delivery ng anti-rabies vaccines mula sa DOH base sa memorandum na inilabas ni Undersecretary Gerardo Bayugo ng Office of Technical Services noong Febreary 12.

Isa sa dalawang anti-rabies vaccines na binibili ng DOH na aprubado ng World Health Organization ay ang Rabipur ng GlaxoSmithKline (GSK) sa Ankleshwar, India.

Gayunpaman, nasuspinde ang paglalabas sa Rabipur sa buong mundo matapos masuri ng Chinese government na may bacterial residues sa higit 25 international units nito noong 2017.

Dahil dito, ipinaalam na ng GSK Philippines sa DOH na ang naturang sitwasyon ay makakaapekto sa delivery schedule ng Rabipur.

Bunsod nito, pinayuhan ng nurse rabies coordinator ng CHO na si Gloria Parreño na habang may kakulangan sa bakuna para sa tao, dapat ay pabakunahan ng mga pet owners ang kanilang mga alaga para sa proteksyon.

Ito rin ang naging payo ni Health Secretary Duque kung saan sinabi nitong nakipag-ugnayan na ang kagawaran sa Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) upang tutukan ngayon ang pagbabakuna ng anti-rabies sa mga hayop.

Read more...