Duterte pinabulaanan ang mga balitang may planong patalsikin si Alvarez bilang House Speaker

By Rhommel Balasbas April 07, 2018 - 05:14 AM

Tila pinakalma ni Pangulong Rodrigo Duterte si House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga umuugong na balita na may planong mapatalsik ito sa pwesto.

Sa pahayag ng pangulo sa isang dinner-concert event sa Sofitel Philippine Plaza sa Pasay, sinabi nito kay Alvarez na mismong si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na ang nagsabi sa kanya na wala itong ambisyong maging House Speaker.

Si Arroyo kasi ang napapabalitang papalit kay Alvarez.

Mas umugong pa ang balitang ito matapos ang palitan ng salita sa pagitan nina Davao City Mayor Sara Duterte at Alvarez.

Sa nasabing dinner sa Pasay na dinaluhan ng mga kongresista, ni Arroyo at ng iba pang mga opisyal, dinala ng Pangulo si Mayor Sara sa presidential table kung saan nakaupo si Alvarez.

Dito nagkaharap ang dalawa at nagkamay na naipakita pa sa screen dahilan para magpalakpakan ang mga tao.

Samantala, para kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, ang tila pagbibigay ng ‘assurance’ ng pangulo kay Alvarez na hindi ito maaalis sa pwesto ay pagpapahayag nang patuloy nitong tiwala at kumpyansa sa pinuno ng mababang kapulungan.

Kumanta naman ng ilang mga awitin ang pangulo sa naturang event kabilang ang paborito niyang kanta na ‘Ikaw’ at matapos ang event ay lumipad na patungong Davao City.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.