Higit kumulang 75 bahay natupok ng apoy sa Quezon City

By Jong Manlapaz April 07, 2018 - 05:11 AM

Tinupok ng apoy ang may 75 bahay sa naganap na sunog sa Brgy. Bagbag, Quezon City habang aabot naman sa 200 pamilya ang naapektuhan nito.

Dalawa ang tinitingnang dahilan ng Quezon City Bureau of Fire Protection (QC-BFP) sa pinagmulan ng sunog na nagsimula ng 10:08 ng gabi at umabot sa ikaapat na alarma.

Ayon sa QC-BFP maaaring sinadya o naiwang kandila ang dahilan nito.

Ayon kay QC-BFP Insp. Rosendo Cabillan, nagmula ang sunog sa bahay ni Eton Tiozon, pero bago.mangyari ang sunog nagkaroon pa umano ng pag-aaway si Tiozon at ang kanyang asawa.

Ayon naman kay Kag. Obet Dela Cruz, ang Brgy. Sauyo Fire Marshall, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na sinadya umano ang sunog dahil matapos ang pag-aaway ng mag-asawa ay lumayas ang misis nito.

Sinabi naman ni Insp Cabillan, Posible umanong makasuhan ng arson si Tionzon kung may magpapatunay na sinadya nito ang sunog.

Sa pagtataya ng BFP aabutin ng isang milyong piso ang halaga ng mga ari-arian na tinupok ng apoy habang 1:19 na ng madaling araw nang idineklarang itong fire-out.

Wala namang naitalang nasawi pero aabot naman sa anim ang bahagyang nasugatan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.