Sec. Dinky Soliman inakusahang pinagkakakitaan ang mga Lumad

By Kathleen Betina Aenlle October 08, 2015 - 07:29 AM

lumadInakusahan ng ilang mambabatas si Department of Social Welfare and Development Sec. Dinky Soliman na pinagkakakitaan lamang ang mga Lumad.

Ito ay dahil sa pagmumungkahi ni Soliman na i-relocate ang halos 4,000 miyembro ng mga tribo na apektado ng mga kampanya ng militar laban sa mga puwersa ng rebelde, imbis na tulungan na lamang silang makabalik ng mapayapa sa kanilang mga orihinal na tirahan.

Para kay Gabriela party-list Rep. Luzviminda Ilagan, dalawa lang ang nakikita niyang dahilan kung bakit ipinipilit ni Soliman ang relokasyon sa mga Lumad.

Una aniya ay marahil may interes si Soliman sa kikitain ng mga minahan at pagtotroso na mananamantala sa pagkabakante ng lupang kinatitirikan ng mga tahanan ng mga tribo, at pangalawa, siguro ay may makukuha itong kickback sa pondong ilalaan para sa nasabing relokasyon.

Nauna nang tinanggihan ng mga katutubong Lumad ang alok ni Soliman na relokasyon nang bisitahin niya ang mga ito sa isang evacuation center sa Tandag City, Surigao del Sur.

Ani Ilagan, tila hindi maintindihan ni Soliman kung bakit nga ba inilikas ang mga ito.

Isa pang mambabatas mula sa Gabriela ang naglabas naman ng kaniyang kawalan ng tiwala sa proyektong alok ni Soliman.

Ayon kay Rep. Emmi De Jesus, hindi na dapat pagkatiwalaan ng proyektong relokasyon si Soliman dahil sa palpak na kinahinatnan ng mga shelter na inihandog ng kaniyang kagawaran sa mga biktima ng Super Bagyong Yolanda.

Samantala, iginiit ng Gabriela at iba pang maka-kaliwang grupo na paalisin na ang mga militar sa mga komunidad ng mga lumad.

Pero nanindigan si Armed Forces of the Philippines – Civil Relations Service chief Brig. Gen. Joselito Kakilala na hindi niya maaaring paalisin ang mga sundalo sa mga lugar ng mga Lumad dahil sila ang nagbibigay ng proteksyon sa mga ito laban sa rebeldeng New People’s Army.

Ang dapat aniyang umalis ay ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na ginagamit ang mga kabataang lumad para isanib sa kanilang pwersa para lumaban kontra sa mga pwersa ng gobyerno.

TAGS: DinkySoliman, Lumad, DinkySoliman, Lumad

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.