Muling iiral ang northeast monsoon o ang malamig na hanging amihan partikular sa Northern Luzon.
Ito ay matapos makaapekto sa bansa ang easterlies o ang mainit na hangin mula sa dagat pasipiko nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa pinakahuling weather update ng PAGASA, makararanas ng maulap na kalangitan na maaaring magdulot ng kalat kalat na pag-ulan ang Cagayan Valley Region, Cordillera Administrative Region at Ilocos Norte.
Sa Metro Manila naman at nalalabing bahagi ng Luzon, makararanas pa rin ng magandang panahon ngunit mas mataas ang tyansa ng mga panandaliang buhos ng ulan sa gabi.
Sa Visayas naman ay makararanas ng generally fair weather maliban sa localized thunderstorms.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan naman na may posibilidad ng localized thurderstorms ang mararanasan sa Mindanao.
Samantala, ayon pa sa weather bureau, bagaman muling iiral ang hanging amihan ngayong araw hanggang bukas, araw ng Linggo ay posibleng mawala na ito simula Lunes at ideklara na ang pagsisimula ng summer season. Mula sa northeast monsoon ay tuluyan na itong mapapalitan ng easterlies na magdadala ng maalinsangang panahon sa bansa.