Reaksyon ito ni Bello kasunod ng paghahain ng resignation ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, nanindigan ang kalihim na hindi siya susunod sa yapak ni Aguirre kahit napapabalita na kasama siya sa sisibakin sa pwesto ni Pangulong Duterte.
Diniskwento din ni Bello ang paratang tungkol kay Aguirre maging ang alegasyon laban sa kanya.
Nanindigan ang kalihim na wala siyang ginagawang mali sa kagawaran at hinamon niya ang sinuman na nag-aakusa na may pinapaboran siya sa sektor ng negosyo.
Aminado naman si Bello na may mga nagtangka sa kaniyang manuhol kapalit ng pabor sa ilang kaso.
Ani Bello, isang kongresista ang inalok siya ng P5M para sa isang kaso o para ikonsidera niya ang isang desisyon, pero tinanggihan niya ito.
Mayroon ding nagbigay sa kaniya ng birthday gift na pabango at ng kaniyang buksan ay mayroon itong $10,000 sa loob. Aniya, isinauli niya ang $10,000.
“I challenge anybody, to go to the department or all the agencies under me. Kapag mayroon nagsabi na binigyan niya ako ng pera kahit isang piso, I will immediately disappear. Kasi ang daming nag-aalok sa akin ng pera, mayroon pang congressman. May araw na ilalabas ko ‘yan. Limang milyon ang inaalok sa akin. Sabi ko, I can help you without
the money. May kasong nilalakad, mayroon din na gustong i-reconsider kung ganun. Mayroon din na niregaluhan ako nung birthday ko ng pabango. E pagbukas ko mayroong 10,000 dollars kaya pinatawag ko. Sabi ko, boss pakuha mo ‘to regalo mo kundi ay hindi ka na makababalik,” kwento ni Bello.
Sa nangyari kay Aguirre, naniniwala si Bello na biktima lamang ito ng pananabotahe sa kagawaran.