Inaprubahan na ng Department of Trade and Industry ang hiling na dagdag presyo ng iba’t ibang manufacturer ng de lata at sabon.
Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, pinag-aralan nilang mabuti ang hiling na dagdag presyo ng mga manufacturer ng de lata at inaprubahan nila ito.
Mas mababa naman kasi aniya sa 10 porsyento ang inihirit na dagdag presyo.
Dahil dito, ang dalawang magkaibang brand ng sardinas ay may 20 hanggang 40 centavos nang pagtaas sa presyo.
Nasa 50 centavos naman ang itinaas ng isang brand ng meatloaf at 50 centavos hanggang P2 ang itinaas ng dalawang magkaibang brand ng corned beef.
Ang pagtaas ng halaga ng raw materials ang dahilan kaya nagdagdag ang mga manufacturer ng de lata ng presyo sa kanilang produkto.
Samantala, maging ang presyo ng sabon ay tumaas na din dahil sa pagtaas naman ng halaga ng papel na ginagamit sa packaging.
Nasa 50 centavos ang itinaas ng isang brand ng bath soap habang P1 naman ang itinaas ng presyo ng isang brand ng sabong panglaba sa kanilang bawat bareta.