Labis na takot ang naramdaman ng mga turistang dumayo sa bagong bukas na 1,000 meter na ‘glass bridge’ sa China matapos mabiyak ang isa sa mga salamin na nagsisilbing daanan dito.
Dalawang linggo pa lamang binubuksan sa publiko ang naturang atraksyon na matatagpuan sa central Henan Province na kinailangang isarang muli dahil sa natagpuang ‘crack’ sa isa sa mga glass panel nito.
Ayon sa ilang mga post sa micro-blogging site na Weibo ng mga nakasaksi sa insidente, isang makalas na kalabog ang kanilang narinig sa U-shaped na glass bridge sa Yuntaishan Scenic Park habang sila ay tumatawid.
Dahil dito, ilang mga turista na nasa tulay ang nagkumahog na agad na makaalis sa pangambang tuluyang gumuho ang tulay at bumulusok sa may isang kilomettrong lalim na bangin.
Sa isinagawang inspeksiyon, nadiskubre isa sa mga glass panel na nagsisilbing walkway ang kinakitaan ng bitak o ‘crack’.
Wala namang nasaktan sa naturang insidente.