Blood relic ni St. Pope John Paul II, pinasinayaan sa Manila Cathedral

Photo courtesy of RCAM – Office of Communications

Pinasinayaan sa Manila – Cathedral Basilica of the Immaculate Conception ang blood relic ni Saint Pope John Paul II.

Sa isang pulong balitaan, pinangunahan ng rektor ng Cathedral na si Fr. Reginald Malicdem ang unveiling ceremony ng kauna-unahang blood relic sa bansa ng yumaong Santo Papa na kasalukuyan pa ring nasa liquid form.

Ang blood relic ay nakalagay sa isang glass container na nakapaloob sa isang reliquary na siyang exact replica ng reliquary na ginamit sa canonization ng santo noong 2014.

Isang welcome mass sa pangunguna ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio G. Cardinal Tagle ang magaganap sa Sabado na susundan ng film showing tungkol sa buhay ng ni Pope John Paul II.

Magkakaroon ang publiko ng pagkakataon na makapag-venerate sa relic sa Sabado at Linggo hanggang alas-8 ng gabi.

Ipamamahagi rin ang 2,000 prayer cards na may kapirasong tela na ipinahid sa vial na maituturing nang third-class relic sa mga taong makikilahok sa event.

Hinimok naman ni Fr. Malicdem ang publiko na iwasan ang pagseselfie sa relic at bigyan ito ng paggalang dahil hindi anya ito isang museum piece lamang at may presensya ito ng banal na tao.

Ang naturang relic ay ibinigay ng dating sekretarya ng Santo Papa na si Cardinal Stanislaw Dziwisz sa Manila Cathedral sa selebrasyon ng ika-60 anibersaryo ng rebuilding ng Cathedral matapos ang digmaan.

Read more...