Pagtugis sa mag-asawang Tiamzon magpapatuloy – PNP

INQUIRER File Photo

Ipagpapatuloy ng Philippine National Police (PNP) ang pagtugis sa mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon bagaman sinabi na ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling ipagpapatuloy ang usaping pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon kay PNP spokesperson Chief Superintendent John Bulalacao, standing pa rin ang warrant of arrest para sa mag-asawang Tiamzon. Sa katunayan aniya ay patuloy na hahanapin ng mga otoridad ang mga ito habang wala pang itinatakdang petsa para sa peace talks.

Enero ngayong taon nang payagan ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 32 Judge Thelma Bunyi-Medina ang motion for recommitment na ihinain ng Department of Justice (DOJ) na nagkakansela sa piyansa para sa mag-asawang Tiyamzon, maging sa isang pinuno ng rebeldeng grupo na si Adelberto Silva.

Nakalaya ang mag-asawang Tiamzon noong August 2016 para makiisa sa usaping pangkapayapaan bilang consultant ng NDFP.

Samantala, umaasa naman ni CPP founding chairman Jose Maria Sison na agad na magpupulong ang pamahalaan at ang NDFP negotiating panel upang muling masimulan ang usaping pangkapayapaan.

Read more...