Tolentino, naging tapat sa ‘Daang Matuwid’ – Roxas

By Kathleen Betina Aenlle October 08, 2015 - 03:27 AM

 

Inquirer file photo

Pinuri ni Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas ang desisyon ni dating Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino na kusa nang i-alis ang kaniyang sarili sa senate slate ng LP.

Ito ay makaraang masabit ang pangalan ni Tolentino sa kontrobersyal na malaswang pagtatanghal ng grupo ng mga kababaihan na naganap sa isang event ng partido at kaarawan ng isa sa kanilang mga miyembro na si Laguna Rep. Benjamin Agarao.

Sa kaniyang inilabas na pahayag, para kay Roxas, ipinakita lang ng desisyon ni Tolentino na isa siyang tunay na tagasunod ng “Daang Matuwid”, dahil isa sa kanilang mga prinsipyo nito ay ang unahin ang bayan bago ang sarili.

Ganoon rin naman ang nakita ni Pangulong Benigno Aquino III sa hakbang na ginawa ni Tolentino, at tulad ni Roxas, pinuri niya rin ito nang kumpirmahin niya ang pagbaba nito sa pwesto.

Sa kabila nito, naniniwala naman si Roxas na isang pagkakamali ang nangyaring insidente sa Laguna at ikinalugod naman niya ang pag-ako ni Tolentino sa pagkakamaling iyon.

Aniya, bagaman nagkamali si Tolentino, hindi ito nangangahulugan na ang pagkakamaling iyon na ang sumasalamin sa kaniyang buong pagkatao at paraan ng paninilbihan sa bayan.

Nagpapasalamat pa rin siya aniya sa mga tungkuling maayos na ginampanan ni Tolentino sa kaniyang panunungkulan bilang MMDA chairman.

“Sa panahon namin sa gabinete, napakadaling katrabaho ni Francis. Malaki ang kanyang naiambag sa pagbabago.” ani Roxas.

Binanggit pa ni Roxas ang mga pagbabagong naibahagi ni Tolentino, “Ngayon, mayroon na tayong MMDA app, na nakakapagbigay gabay sa napakaraming motorista; nariyan na rin ang MMDA Twitter account, na mabilis na tumutugon sa lahat ng tanong—at minsan sa mga reklamo—ng ating mga kababayan ukol sa trapiko. Maraming salamat, Chairman Francis, for your dedicated service.”

Samantala, iginiit ni Roxas na ipagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa nangyaring insidente dahil naniniwala ang Liberal Party na ang pamamaraan ng pangangampanya ay sumasalamin sa pamamaraan ng pamamahala ng tumatakbong kandidato.

Magugunitang nag-labas na ng public apology si Tolentino kay Roxas at sa LP para huwag na siyang isama sa senatorial lineup ng partido.

Sa kaniyang liham kay Pangulong Aquino, inihayag niya na ang dahilan ng kaniyang pagbaba sa panunungkulan bilang MMDA chairman ay dahil sa kaniyang pagtakbo sa mas mataas na posisyon, at wala naman siyang nabanggit na may kaugnayan ito sa pagkakadawit niya sa kontrobersya.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.