Sa personal na buhay at personal na karera, malapit sa puso ko ang kwento ng pagputok ng Pinatubo dahil unang-una, taga-Olongapo City ako, at kabilang sa mga napinsala ng pagputok nito ay ang mismong mga pamilya, kamag-anak, mga kaibigan, mga kababata, mga kakilala.
Ikalawang taon ko noon bilang mamamahayag at isa ako sa mga unang pinatakbo sa gitna ng kadilimang nakapaimbabaw noon sa kalangitan at kalawakan, lalo na sa daang patungo sa Pampanga, Olongapo at Zambales.
Nito ngang araw ng Linggo, nasa Pinatubo kami, hindi para mag-report kundi para makita lang ang “majestic crater” ng bulkan. Pero hindi maiiwasan ang hindi magkwento sa naging karanasan, lalo pa’t nakilala namin doon ang isang nagngangalang Angelo Failma.
Edad 17 si Angelo nang masaksihan niya ang pagputok ng Pinatubo. Nakita niya kung ano ang mga pagbabago sa kanilang komunidad mula noong pumutok ang bulkan. At sa pagitan ng 24 taon matapos ang pagputok, isa lang anya ang kanyang konklusyon: Mahirap sila noon, mahirap pa rin sila ngayon.
Akala daw nila noon, nang pumutok ang bulkan, sa wakas ay matutugunan na ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga taong nakatira sa paligid ng bundok. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nararamdaman ng mga nasa paligid ng bulkan ang kamay at bisig ng pamahalaan.
Ganito ang paglalarawan ni Angelo sa ginampanang papel ng mga politiko sa buhay ng mga Pilipino: “Ang mga pako, ibinigay sa mamamayan, sa mga mahihirap, pero ang martilyo, puro pulitiko naman ang may hawak, sila pa rin ang may kontrol, gusto nila lagi mo silang kailanganin, pero hindi ka nila tunay na tutulungang maging matatag, hindi nila ibibigay ang martilyo sa iyo.”
May mas malala pa rito. Ito anya ang hindi pagkilala sa taal na karapatan ng mga katutubo na siyang talagang umaasa ng kabuhayan sa kabundukang tulad ng Pinatubo.
Naaalala lang sila kapag may mga bagong proyektong ilulunsad na kailangan at ang presensiya ng mga katutubo. Pero yung tunay na paggalang sa kanilang kaugalian, wala anya siyang nakitang tunay na pagkilos na kumikilala sa tunay na kahalagahan at karapatan ng mga katutubo.
“Kung batas at papel ang pag-uusapan, napakarami ng dokumento na nagbibigay ng pagkilala sa karapatan ng mga katutubo pero hanggang doon lang iyon..sa papel,” nakangisi ngunit naiiling na wika ni Angelo sa amin.
Marami pang kwento si Angelo na kung pakikinggan ay parang galing sa isang nakapag-aral at may matinding kaalaman sa takbo ng pamahalaan at batas. Pero alam ba ninyo, ayon na rin kay Angelo, na Grade 2 lang ang inabot niya. Ang lahat ng kanyang natutunan, ayon na rin sa kanya ay mula sa karanasan, pakikinig, pagbabasa at pagsusuri sa mga bagay-bagay sa buhay at lipunan.
Nakapanlulumo man ang pananaw ni Angelo sa takbo ng kanyang buhay at ng lipunan, lalo na ng komunidad na kanyang ginagalawan, makikita pa rin ang likas na kasiyahan at magalang na pagkatao ni Angelo.
Simple lang ang pangarap niya, ang mapagtapos ng pag-aaral ang kanyang dalawang anak, at kumita minsan ng higit P500 bilang trail guide sa Pinatubo. Mukhang makakamit naman niya ito dahil sa kanyang pagtitipid.
Maraming nabago ang buhay dahil sa kwento ng pagputok ng bulkang Pinatubo ngunit umaayon ako sa kanya, na may mga bagay mula noon, 24 taon na ang nakalilipas, na ang mahirap noon sa mga komunidad na naapektuhan ng pagsabog ng bulkan, ay mga komunidad na naghihirap pa rin ngayon.
Angelo’s story and lamentations is not isolated. You will find many similar stories especially in the countryside.