Ilang mga pag-atake ng NPA noong Semana Santa napigilan ng AFP
Ipinagmalaki ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagawa ng kanilang hanay na pigilan ang mga pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa apat na mga probinsya noong nakalipas na Semana Santa.
Sa isang pahayag, sinabi ni AFP Public Affairs Office chief, Lieutenant Colonel Emmanuel Garcia na napigilan nila ang mga pag-atake ng NPA sa mga lalawigan ng Quezon, Camarines Norte, Misamis Oriental, at Davao Del Norte.
Dagdag pa ni Garcia, limang mga miyembro ng NPA ang napatay dahil sa engkwentro at nakumpiska rin ng mga militar ang limang iba’t ibang mga baril, bukod pa sa anim na mga improvised explosive device (IED).
Kinundena naman ng AFP ang apat na mga pag-atake na isinagawa ng mga rebeldeng komunista sa Montevista, Compostela Valley; Davao City; Pigcawayan, Cotabato; at T’boli, South Cotabato sa kasagsagan ng Semana Santa.
Ani Garcia, ang mga ginawang pag-atake ng NPA, partikular ang pagsunog nito sa mga construction equipment sa Davao City, ay nagpakita ng pagiging anti-development at anti-progress ng grupo.
Aniya pa, nagpapakita rin ito ng tunay na kulay ng NPA bilang isang grupo na nagpapakalat ng takot sa mga mamamayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.