Idinaan ng ilang mga grupo sa dasal ang kanilang suporta para kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno sa Baguio City.
Ito ay matapos nilang magsagawa ng prayer rally at candle lighting ceremony sa nasabing lungsod upang hilingin ang pagbabasura ng quo warranto petition laban kay Sereno.
Isinagawa ang prayer rally sa Malcom Square kung saan matapos ang dasal ay isinigaw ng mga taga-suporta ng Punong Mahistrado na hindi tamang proseso ang paghahain ng quo warranto petition.
Anila, walang sapat na batayan upang maaalis sa posisyon si Sereno.
Ayon pa sa mga ito, dapat ay ipaalam sa bawat isang Pilipino kung ano ba talaga ang tunay na sitwasyon tungkol sa isyu.
Kabilang sa mga grupong sumali sa prayer rally ang Coalition for Justice at EDSA Pro Democratic.