CCTV footage lumabas na taliwas sa pahayag ng pulisya laban sa naarestong umanoy ISIS recruiter
Taliwas ang CCTV footage sa pahayag ng pulisya na ang hinihinalang recruiter ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ay naaresto sa apartment nito sa Maynila.
Una nang ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo laban sa Tunisian national na si Fehmi Lassqued at girlfriend nito na si Anabel Moncera Salipada.
Batay sa resolusyon na inilabas ng DOJ, ang mga larawan na iprinisinta ng pulisya bilang ebidensya ay kinunan sa ibang lugar at hindi sa apartment ng magkasintahan sa Room 409 ng Casa Blanca Apartment sa Malate.
Isa itong kontradiksyon sa sinabi ng pulisya na naaresto ang dalawa sa kanilang bahay at nakumpiska sa kanila ang hindi lisensyadong kalibre 45 baril at apat na pipe bombs.
Iprinisinta ni Senior State Prosecutor Peter Ong ang certified true copy ng CCTV footage bilang suporta sa sinabi ni Lassqued na naaresto siya malapit sa Ayala Triangle Tower One noong February 16.
Dahil dito ay magsasagawa ang DOJ ng bagong preliminary investigation kasunod ng motion for reconsideration ng pulisya at base na rin sa ibang lumabas sa CCTV footage.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.