Resulta ng imbestigasyon ng Kamara sa power supply agreement ng Meralco at ERC ikinabahala ng isang consumer group

NGCP Photo

Tinawag na shameless whitewash ng isang consumer group ang naging resulta ng imbestigasyon ng Kamara may kaugnayan sa multi-trillion peso power supply aggreements ng Manila Electric Company o Meralco.

Ayon kay Rodolfo Javellana Jr., pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), ang committee report ay para lamang pagtakpan ang iregularidad na ginawa ng Energy Regulatory Commission (ERC) para aprubahan ang kasunduan.

Sa ginawang pagdinig ng Kamara lumabas ang mga iregularidad ng ERC kung saan apat sa limang miyembro ng en banc nito ang nasuspinde pero hindi aniya ito binigyang bigat ng komite.

Sinabi ni Javellana na tikom ang bibig ng house panel sa sinasabing korapsyon sa ERC na nag uugnay sa naging pasya nito na tanggapin ang kasunduan ng Meralco kahit na lagpas na ito sa itinakdang deadline.

Iginiit nito na kung hindi mapawawalang bisa ang naging kasunduan, daang bilyong piso aniya na overprice ang ipapasa sa milyong consumer ng Meralco sa susunod na 20 hanggang 21 taon.

Inakusahan din nito ang mga komite sa Kamara na nag-imbestiga sa kasunduan ng ERC at Meralco ng pagtatraydor sa interes ng mga consumer ng Meralco.

Read more...