Suporta ng Kamara sa DA, isang welcome development
‘Welcome development’ para sa Department of Agriculture (DA) ang suporta ng liderato ng Kamara kaugnay ng ‘bond flotation program’ na isinusulong mismo ni DA Secretary Manny Piñol.
Ito ay matapos ang positibong diskusyon ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries at ng Department of Finance (DOF) na kapwa naniniwalang magandang investment ito para sa pag-asenso ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa ilalim ng konsepto ng panukala ni Piñol ay pabibilisin ang konstruksyon sa 13,000km farm-to-market roads gayundin ang pagpapabuti sa farm at fisheries mechanization program ng gobyerno.
Sinabi pa ng kalihim na kailangang pondohan ng P140 bilyon ang farm-to-market projects habang P60 bilyon ang dapat ilalaan sa farmers’ loans na pangangasiwaan ng Agriculture Credit Policy Council (ACPC).
Iginiit ng DA chief na importanteng ma-aprubahan sa lalong madaling panahon ang ‘bond flotation program’ upang masiguro na matatapos ang road network projects sa loob ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Lumalabas sa datos ng DA na 16% ang lugi ng mga magsasaka dahil sa kawalan ng tinatawag na post-harvest facilities habang 40% naman ang nawawala sa fisheries sector dahil sa kawalan ng ice-making plants at cold storage.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.