Dating Sen. Joker Arroyo patay na

By Den Macaranas October 07, 2015 - 03:16 PM

Joker-Arroyo-RIP
Inquirer.net photo

Sa pamamagitan ng kanyang Twitter account kinumpirma ni dating Sen. Rene Saguisag ang pagkamatay ng kanyang kaibigan na si dating Sen. Joker Arroyo.

Ayon kay Saguisag, namatay si Arroyo habang sumasailalim sa open-heart surgery sa U.S. Aminado si Saguisag na limitado lamang ang kanyang mga nakukuhang impormasyon sa kasalukuyan pero ang kamatayan ng dating mambabatas ay kinumpirma sa kanya mismo ng mga kaanak ni Arroyo.

Ikinuwento rin ni Saguisag na noong nakalipas na buwan ng Enero sila huling nagkausap ng kanyang kaibigan makaraang ipaaresto ng Senado si suspended Makati City Mayor “Junjun” Binay kung saan ay pareho silang tumatayong legal counsel ng nasabing local official.

Inalala rin ni Saguisag ang pagkakakilala niya kay Arroyo bilang isang mahusay na abogado mula pa noong panahon ng Martial Law hanggang sa pagtayo niya bilang pinuno ng Prosecution Team na nagdiin sa sa Impeachment Case na kinaharap ni dating Pangulong Erap Estrada.

Bago naging mambabatas, nakilala si Arroyo noong panahon ng diktadurya bilang tagapag-tanggol nina dating Senador Ninoy Aquino, Nene Pimentel, Eva Estrada-Kalaw, Jovito Salonga at ilan pa sa mga haligi ng oposisyon sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Si Arroyo rin ang naging abogado nina Aquino, Bernabe “Kumander Dante” Buscayno at Victor Corpuz nang sila’y isalang sa Military Court noong dekado 70.

Nang mahalal si dating Pangulong Cory Aquino, si Arroyo ang naging Exceutive Secretary kung saan ay tinulungan niya ang pagpapatatag ng bagong pamahalaan sa bansa pagkatapos ng halos ay dalawang dekada ng Marcos Administration.

Tatlong termino ring nahalal si Arroyo bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Makati bago siya tumakbong Senador noong 2001 kung saan ay naging pinuno siya ng ibat-ibang makapangyarihang Senate Commitees kabilang na ang Blue Ribbon.

Nagretiro siya sa pulitika noong 2013 makaraan ang mahabang panahon na ginugol sa public service.

Bilang isang mambabatas nakilala si Arroyo bilang natatanging Kongresista at Senador noong kanyang kapanahunan na hindi tumanggap ng Country-wide Development Funds na kalaunan ay tinawag na Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilala rin sa tawag na “Pork Barrel”.

Nakilala rin si Arroyo bilang natatanging mambabatas na mayroon lamang apat na staff sa kanyang opisina mula noong siya’y Kongresista hanggang sa huling araw niya sa Senado.

Namatay si Arroyo sa gulang na 88.

TAGS: Joker Arroyo, Senate, Senator, Joker Arroyo, Senate, Senator

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.