Recount sa election protest ni Marcos vs Robredo umarangkada na
Nagsimula na ang revision of votes o manual recount sa mga kinukuwestiyong boto sa pagka-bise presidente noong May 9, 2016 elections.
Alas 8:30 ng Lunes ng umaga nang ganap na umusad ang manu-manong pagbibilang sa Supreme Court-Court of Appeals Gymnasium.
Sa statement ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na binasa ni Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te, sa ilalim ng Rule 65 ng 2010 PET Rules, ang revision ay limitado sa tatlong pilot provinces na tinukoy ng kampo ni Dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr at ito ay ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Sa kabuuan, sasakupin ng recount ang 5,418 clustered precinct na mula sa tatlong pilot province.
Ayon pa sa PET, salig pa rin sa Rule 65 ng kanilang panuntunan, ang magiging resulta ng manual recount ng tatlong pilot province ang pagbabatayan kung kakailanganin pa na muling bilangin ang nalalabing mahigit 31-libong protested clustered precinct.
Ang actual recount ay pinangungunahan ng mga revision committees.
Ang bawat kumite ay binubuo ng tatlong myembro, isa ay kinatawan ng kampo ni Marcos, isa ay kinatawan ng kampo ni Vice President Leni Robredo, at ang isa ay ang Head Revisor na kinatawan naman ng tribunal.
Sa kasalukuyan ay nasa 40 na ang revision committee, pero target ng PET na makabuo ng 50 kumite.
Nasa proseso na ang PET ng pagkuha at pagsasanay ng mga aplikante para sa nalalabing sampung head revisor.
Ang skedyul ng revision ay Lunes hanggang Byernes, mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, at ala-una ng hapon hanggang alas-4:30 ng hapon.
Mahigpit ang bilin sa revision committees na tumalima sa itinakdang time limit para makumpleto ang manual recount ng isang ballot box.
Papayagan din ang mga kinatawan ng magkabilang kampo na maggiit ng boto o maglahad ng objection sa mga balota kung kinakailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.