Vice President Leni Robredo dumalo sa misa sa pagsisimula ng recount sa PET
Bago ang pormal na pagsisimula ng recount ng mga balota kaugnay sa election protest na inihain laban sa kaniya ni dating Senador Bongbong Marcos ay dumalo muna sa isang misa si Vice President Leni Robredo.
Dumalo si Robredo sa isang misa na idinaos sa St. Scholastica’s College sa Malate, Maynila.
Dumalo rin sa nasabing misa na inorganisa ng “Kaya Natin Movement” ang mga tagasuporta ng bise presidente na pawang mga nakasuot ng puting t-shirt.
Sa gitna ng misa, ipinagdasal ng mga pari ang abugado ni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal.
Binigyan din ng pagkakataon si Robredo na magbigay ng mensahe at ayon sa kanya, dapat na pagtiwalaan ang proseso dahil sa dulo ang mananaig ay ang katotohanan.
Tiyempo umano na nagsimula ang recount ngayong panahon ng Easter na sumisimbolo sa pag-asa.
Para sa bise presidente, bagamat batid niyang mahirap na laban ang kanyang sinusuong, siya ay hindi susuko dahil tama ang kanyang ipinaglalaban.
Nagbigay din ng mensahe si Macalintal at ayon sa kanya, nakahanda siyang isuko ang kanyang lisensya sa pagiging abugado kapag natalo si Robredo sa electoral protest
Posible umano na sa loob ng dalawang buwan ay malaman na ang resulta ng recount sa tatlong pilot province na kinabibilangan ng Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.