Hindi na naman natuloy ang pagbasa ng sakdal kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa kinakaharap na anim na bilang ng kasong tax evasion sa Court of Tax Appeals (CTA).
Ito ay matapos na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang CTA en banc at iniutos ang pagpapahinto sa lahat ng proseso na may kaugnayan sa nasabing kaso ni Corona.
Sa resolusyon ng CTA en banc, tatagal ng 60 araw ang pag-iral ng TRO. “Let a Temporary Restraining Order (TRO) be issued directing the Court’s Second Division to refrain from taking any further action insofar as [the six counts of] Criminal Case are concerned for a period of sixty days (60) from promulgation of this Resolution, as provided under Section 5 of Rule 58 of the Rules of Court,” nakasaad sa CTA ruling.
Si Corona ay nahaharap sa labing dalawang bilang ng kasong paglabag sa National Internal Revenue Code (NIRC) partkular sa Sections 255 at 254 dahil sa kabiguang maghain ng income tax return at tangkang hindi pagbabayad ng buwis.
Noong buwan ng Pebrero, iginiit ni Corona sa 2nd division ng CTA na dapat ay sa kasong paglabag lamang sa Section 255 siya mabasahan ng sakdal.
Ayon sa kampo ng dating punong mahistrado, pareho lang kasi ang sa paglabag sa Section 254 ng NIRC ang kasong paglabag sa Section 255.
Pero iginiit ng korte na dapat matuloy ang arraignment kay Corona sa lahat ng kaniyang mga kaso.
Sa halip na ituloy ang arraignment, nagtakda ng oral argument ang CTA sa October 20.