2 tauhan ng Office of Transport Security na kumuha ng pera sa wallet ng isang dayuhan, kinasuhan na
Tuluyan nang ipinagharap ng kaso ng Department of Transportation (DOTr) ang dalawang tauhan ng Office of Transport Security (OTS) matapos mahuli sa CCTV na kinuha ang pocket money ng isang turistang Japanese na nagkakahalaga ng 1,700 Australian Dollars (AUD) o katumbas ng P68,000 habang ginagawa ang baggage search sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 departure area nitong nakalipas na Miyerkules, March 28, 2018.
Kinilala ang mga kinasuhan sina OTS Intelligence Agent Aides Stephen C. Bartolo at Demie James P. Timtim na umaming nakipag-sabwatan para makuha ang pera ni Japanese National Yuka Sakata.
Nasa pre-departure area na noon ang dayuhan para sa connecting flight niya patungong Cebu nang madisukbre niyang nawawala ang pera sa kaniyang hand-carry.
Positibo namang itinuro ni Sakata si Bartolo na siyang nagsagawa ng baggage search sa kaniya sa arrival gate ng airport.
Nang isailalim sa interogasyon, inamin ni Bartolo na kinuha niya ang pera sa wallet ni Sakata at positibo rin itong nakuhanan sa CCTV.
Ang ibang pera ay kaniyang ibinulsa at ang iba ay ibinigay niya kay Timtim.
Mariin naman kinondena at kinagalit ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur P. Tugade ang nasabing insidente.
Kasong pagnanakaw ang isinampa laban sa dalawa. Binawian din sila ng NAIA passes at inilagay sa “Stop List” ng Manila International Airport Authority.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.