Dalawang HPG personnel na nananakit ng MMDA traffic enforcer inilagay sa non-duty status

php-hpg1
FILE PHOTO

Hindi na muna pinapayagang mag-duty ang isang opisyal at isang tauhan ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police na inakusahan ng pananakit sa isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay Police Supt. Grace Tamayo, tagapagsalita ng PNP-HPG, iniimbestigahan ngayon sina Sr. Inspector Joel Maranion at SPO2 Norman Interino, hinggil sa reklamong inihain sa kanila ni Leon Trinidad.

Sinabi ni Tamayo na si Maranion ay pinabalik muna sa regional office sa Central Luzon.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa dalawa sinabi ni Tamayo na hindi na muna sila itatalaga sa pagmamando ng traffic sa EDSA.

Magugunitang inireklamo ni Trinidad na siya ay pinagtulungang saktan ng dalawang HPG operatives noong September 22, sa EDSA-Quezon Avenue.

Nag-ugat aniya ang pananakit matapos na hindi maglabas ng lisensya ang isang driver na nahuli ng HPG.

Sa salaysay naman ng dalawang HPG personnel, nahuli umano nila ang isang driver dahil sa paglabag sa batas trapiko.

Pero dahil sa walang paniket ang HPG, ini-refer nila ito kay Trinidad para maisyuhan ng tiket. Sa halip na tiketan ay nagpa-areglo umano si Trinidad sa nahuling driver.

Dahil dito, nainsulto ang dalawang tauhan ng HPG kaya hindi napigilan ang sariling saktan si Trinindad.

Una nang sinabi ni PNP-HPG Director Arnold Gunnacao na ang dalawa at ang iba pang mga tauhan ng HPG na itinatalaga sa EDSA ay pinagsabihan nang huwag pairalin ang init ng ulo sa kanilang trabaho.

Read more...