Comelec, 12-oras na bukas, sa huling 2 linggo ng registration
Labingdalawang oras na magbubukas ang lahat ng opisina ng Commission on Elections (Comelec) sa huling dalawang linggo ng proseso ng registration.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, mula October 17 hanggang sa huling araw ng registration process sa October 31, bukas ang lahat ng Comelec Offices sa buong bansa mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 9:00 ng gabi.
Ito ay para mabigyang pagkakataon aniya ang lahat ng nais pang humabol sa pagpaparehistro, pagpapalipat ng rehistro at pagpapakuha ng biometrics.
Sa datos ng Comelec, mayroon pang mahigit dalawang milyong botante ang wala pang biometrics.
Kung mabibigo ang nasabing bilang ng mga botante na magpakuha ng biometrics sa Comelec hanggang sa Cotober 31 ay hindi sila makaboboto sa 2016 elections. “Over 2 million pa ang hindi pa nagpapavalidate ng biometrics. Simula October 17 to 31, ang plano namin is to do full blast, magbubukas kami ng 9am to 9pm,” ayon kay Bautista.
Sa panahon ng filing ng certificate of candidacy (COC) mula October 12 hanggang 16 ay ititigil muna ng Comelec ang registration process para matutukan ang paghahain ng COC ng mga kandidato.
Payo ni Bautista sa publiko, samantalahin ang natitirang mga araw bago mag-October 12 para magpa-biometrics, magparehistro o magpalipat ng registration.
Pagkatapos ng COC filing, tututok ang Comelec sa nalalabing dalawang linggo ng registration.
Ayon kay Bautista, inabisuhan na ang mga election officers sa buong bansa para humanap ng malalaking puwesto na pagdarausan ng registration, na inaasahang dudumugin ng publiko habang papalapit ang deadline.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.