PNP, wala pang naaarestong nagbebenta ng pekeng gamot
Aminado ang Philippine National Police (PNP) na wala pang naaresto ang kanilang hanay sa mga nagbebenta at gumagawa ng mga pekeng gamot.
Ito ay matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules Santo na arestuhin ang mga nagpapakalat ng mga pekeng gamot gaya halimbawa ng mga Paracetamol.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PNP spokesman Chief Supt. John Bulalacao na nakikipag-ugnayan na ang kanilang hanay ngayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay Bulalacao, nagsasagawa na ng intelligence build up ang Criminal Investigation and Detection Group.
Dagdag ni Bulalacao, bukas, araw ng Lunes ay maaring umpisahan na ng CIDG ang pag-aapply sa korte ng warrant of arrests para maaresto ang mga nagbebenta at mga gumagawa ng mga pekeng gamot.
Sa halip kasi aniya na gumaling ang publiko sa iba’t ibang uri ng sakit, lalo lamang lumalala ang kanilang sakit dahil sa mga naiinom na pekeng gamot.
Bukod sa pag-aresto, inatasan din ng pangulo ang PNP na kasuhan ng economic sabotage ang mga nasa likod ng mga pekeng gamot.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.