Umabot na sa 115 colorum na bus ang na-impound na ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PNP spokesman Chief Supt. John Bulalacao, naitala ang naturang bilang mula noong March 23 hanggang March 31.
Nagsagawa aniya ng crackdown ang PNP-HPG sa mga colorum na bus nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang mga bus na walang kaukulang dokumento matapos ang aksidente ng Dimple Star bus sa Occidental Mindoro na ikinasawi ng 19 na katao.
Ayon kay Bulalacao, 75 colorum na van ang kanilang na-impound na rin.
Dagdag ni Bulalacao, ilang driver na rin ang kanilang naimbitihan subalit nakalalabas din dahil paglabag lamang sa Republic Act 4136 ang maaring ikaso bunsod ng pagmamaneho ng colorum na sasakyan.
“Naimpound na ang mga sasakyan, pero may process maaring hindi pa nahuli ang mga operator pero soon they will be invited for questioning,” pahayag ni Bulalacao
Tiniyak naman ni Bulalacao na tuloy ang kanilang pagtugis sa mga operator ng mga colorum na sasakyan.