BIFF bomber patay sa engkwentro sa mga pulis sa North Cotabato

By Donabelle Dominguez-Cargullo March 31, 2018 - 02:57 PM

Patay ang isang hinihinalang bomber na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) makaraang maharang ng mga pulis habang patungo sa North Cotabato para isagawa ang kaniyang pambobomba.

Kinilala ni Supt. Bernard Tayong ng North Cotabato police ang suspek na si Bads Basilan.

Ayon kay Tayong, si Basilan na residente ng Barangay Kudarangan sa bayan ng Midsayap ay sakay ng kaniyang motorsiklo nang harangin ng mga pulis dahil walang plaka ang sasakyan.

Sinabi ni Sr. Insp. Edwin Abantes, hepe ng Aleosan police, ang kaniyang mga tauhan na nagsasagawa ng checkpoint ang pumara kay Basilan sa Barangay Dualing.

Pero sa halip na huminto, bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga otoridad at saka mabilis na pinaandar ang motorsiklo.

Agad naman siyang pinaputukan ng mga pulis dahilan para magtamo siya ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan na kaniyang ikinasawi.

Isinugod pa sa Aleosan District Hospital si Basilan pero nasawi ito habang nasa daan.

Nabatid na si Basilan ay mayroong standing warrant of arrest sa kasong arson at murder.

Nakuha mula kay Basilan ang isang cal. 45 pistol, live at spent bullets, at isang fragmentation grenade.

 

 

 

TAGS: checkpoint, North Cotabato, suspected BIFF bomber, checkpoint, North Cotabato, suspected BIFF bomber

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.