Ipinagpatuloy ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang inspeksyon nito mga pampasaherong bus at bus terminals ngayong araw.
Sa pangunguna ni MTRCB Chairperson Rachel Arenas, walang nakitang paglabag ang MTRCB sa paglilibot nito sa Florida Bus Terminal at Victory Liner Terminal.
Una nang nahuling nagpapalabas ng unrated video materials ang Ceres Transport Inc., Ceres Gold Star at Elavil sa inspeksyon ng MTRCB kahapon sa Araneta Bus Station at Araneta Bus Port.
Kinumpiska ng mga otoridad ang flash drive ng Elavil Bus na naglalaman ng unrated video material na ebidensya sa kanilang paglabag. Nagpalabas naman ng mas mataas pa sa Parental Guidance (PG) rating ang mga bus ng Ceres Transport bus at Ceres Gold Star bus.
Layunin ng inspeksyon ng MTRCB na bigyang kaalaman ang publiko na ang maaari lamang ipalabas sa mga pampasaherong bus ay ang mga rated Generl Audience (G) at rated PG bilang proteksyon na rin sa mga bata mula sa mga palabas na hindi angkop sa kanilang edad.