Daily accounting sa mga pulis, isasagawa ng PNP ngayong Semana Santa
Magsasagawa ng daily accounting sa kanilang mga tauhan ang Philippine National Police ngayong Semana Santa.
Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. John Bulalacao, gagawin ang pagbibilang ng mga tauhan ng PNP sa bawat istasyon.
Ito’y upang masiguro anya na tumutupad ang mga pulis sa umiiral na 100 percent deployment ng PNP kasunod na rin ng direktiba ni PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.
Paglilinaw ni Bulalacao, hindi naman pinagbabawalan ang mga pulis na obserbahan ang kanilang “religious beliefs” sa panahong ito.
Maari naman aniyang isakatuparan ng mga pulis ang kanilang mga religious obligations tulad ng pagbisita sa mga simbahan o paglahok sa ibang religious activities habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin.
Dagdag pa ng opisyal, ang mga pulis na hindi magpa-account sa kani-kanilang mga units ay isasailalim sa pre-charge investigation, at kung wala silang balidong rason ay kakasuhan sila.
Nabatid na naka-full alert status ngayon ang PNP at nakatutok sa pagbibigay seguridad sa bansa, bahagi na rin ito ng kanilang Oplan Summer Vacation na sinimulan na noong nakaraang Byernes, March 23.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.