6 patay nang araruhin ng isang truck ang iba pang mga sasakyan sa Batangas

By Jan Escosio March 28, 2018 - 09:58 AM

Patay ang hindi bababa sa anim na katao makaraang dumausdos ang isang nakaparadang 10-wheeler truck na hindi nakalsuhan ng driver o pahinante nito sa Taal, Batangas.

Nakaparada sa Diversion Road sa Barangay Carasuche ang isang 1-wheeler truck na may plakang WCB 768 at may kargang mga tubo nang ito ay dumausdos at saka inararo ang ibang pang mga sasakyan na nasa harapan nito.

Unang binangga ng truck ang isa ring 10-wheeler truck na may plakang WKG 191. Ang ikalawang truck ay dumeretso sa isang restaurant sa lugar dahilan para masagasaan ang mga nag-aalmusal noon.

Nadamay din ang iba pang nakaparadang sasakyan sa lugar kabilang ang dalawang motorsiklo, Nissan Sentra, isang Hyundai na sasakyan at isang Isuzi L300 van.

Batay sa insiyal na imbestigasyon, galing ng Barangay Buli ang truck at pumarada sa bahagi ng Diversion Road alas 5:50 ng umaga.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. Posible ring madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil mayroon pang hindi nakukuha na nasa ilalim ng truck.

Tumakas naman ang driver ng truck matapos ang insidente.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

TAGS: accident, diversion road, Radyo Inquirer, Taal Batangas, accident, diversion road, Radyo Inquirer, Taal Batangas

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.