1 NPA patay, 2 high powered firearms nasabat ng militar sa sagupaan sa Eastern Samar
Patay ang isang miyembro ng New People’s Army sa pakikipagsagupa sa militar kahapon nang umaga sa Brgy. San Roque, Maslog, Eastern Samar.
Sa ulat ng 8th Infantry Division ng Philippine Army, nakasagupa ng isang platoon ng 14 Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Manuel Leo Q. Gador ang tinatayang 12 NPA members sa naturang baranggay.
Rumesponde lang umano ang mga sundalo sa sumbong ng isang residente kaugnay sa presensya ng terorista ngunit pagkadating sa naturang baranggay ay agad silang pinapatukan ng mga NPA.
Tumagal ng 30 minuto ang palitan ng putok kung saan napatakbo rin ang mga NPA para tumakas.
Bukod sa isang bangkay, narekober din sa lugar ng sagupaan ang isang M16A1 rifle; isang AK-47 rifle; isang hand grenade; dalawang landmines; samut saring kagamitan; at mga subersibong dokumento.
Samantala, tiniyak naman ni Maj. Gen. Raul M. Farnacio, Commander ng 8ID, na mananatiling alerto ang kanilang mga tropa sa panahon ng semana Santa para pangalagaan ang seguridad ng mga komunidad laban sa NPA at anumang banta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.