Belmonte, mananatili sa kaniyang puwesto sa Kamara sakaling manalo si Roxas

 

Makatitiyak si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na mapapanatili niya ang kaniyang puwesto sa ilalim ng administrasyon ni Mar Roxas, sakaling siya ang manalo.

Ayon kay Majority Leader Neptali Gonzales II, ito ang tiniyak ni Roxas nang hingan siya ng kaunting mensahe noong Biyernes sa kaarawan ni Belmonte na ginanap sa House of Representatives. Bilang sagot, natawa lamang si Belmonte ani Gonzales.

Batid ni Gonzales na maraming kongresista ang nais makamit ang pagiging House speaker, mahihirapan aniya ang mga ito na maagaw ang posisyon mula kay Belmonte.

Kabilang umano sa mga nais makuha ang nasabing posisyon ay si Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez na pang-apat sa pinakamayamang kongresista at maipluwensyang pulitiko sa Visayas.

Gayunman, iginiit ni Gonzales na ang magiging sunod na House speaker ay nakadepende sa kung anong partido ang magiging dominante sa darating na eleksyon, pero tiwala siya na tiyak na mangunguna ang LP.

Dagdag pa niya, sinuman ang nagnanais makuha ang nasabing posisyon ay dapat malapit ang loob sa karamihan ng mga mambabatas na pamumunuan nito, at dapat maipakita nitong karapatdapat siyang mamuno.

Isa si Belmonte sa mga masugid na nangumbinse kay Sen. Grace Poe na maging vice presidential candidate ng Liberal Party, ngunit si Poe ay nagdeklara ng sariling kandidatura at ngayo’y kalaban na ng kanilang manok na si Roxas.

Bagaman aminadong mahaba-haba pa ang kanilang tatahakin, ayon kay Belmonte, nakikita na niyang halos pantay na ang popularidad nina Roxas at Poe sa mga surveys sa kabila ng kanilang pag-aakalang masyadong malakas ang laban ng tambalang Poe-Chiz.

Read more...