Driver, arestado sa panghahalay ng 17-anyos na estudyante

arrestArestado ang isang driver ng pampasaherong van dahil sa panghahalay sa isang 17-anyos na estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa loob ng kaniyang sasakyan.

Ikinulong ng mga kawani ng Manila Police District’s (MPD) Women and Children Protection Section ang driver na si Loreto Sapla na bumabyahe sa rutang Lawton – Mall of Asia.

Nahuli sa isang entrapmnent operation si Sapla matapos maghain ng reklamo ang biktimang itinago na lang sa pangalang “Jenny”.

Ayon sa affidavit ni Jenny, sumakay siya sa van ni Sapla bandang 6:30 ng umaga ng Sabado nang nagpakilala ang suspek sa kaniya na isa daw siyang nurse na nagtapos sa Adamson University.

Maya-maya’y nagtanong na ang suspek ng mga personal na tanong kay Jenny, at pagdating sa Lawton, bumaba na lahat ng pasahero pero inalok umano siya nito na ihahatid na mismo sa PLM.

Habang papunta na sa kaniyang paaralan, napansin ni Jenny na hindi na siya pamilyar sa rutang tinahak ng driver at inactivate na ni Sapla ang child-safety lock ng sasakyan.

Matapos nito ay ipinarada ni Sapla ang van malapit sa isang ilog at tinanong ang biktima kung may alam ba siya sa breast cancer, nang simulan nitong hawakan ang dibdib niya.

Nagpatuloy naman si Sapla sa pagmamaneho at nang ibaba siya nito sa PLM, pilit na hiningi ang cellphone number ng dalaga, na dahil sa takot ay agad namang binigay ni Jenny.

Nagdesisyon na si Jenny at kaniyang ina na magsumbong sa mga pulis matapos ilang beses tumawag si Sapla sa kaniya at nangungulit na susunduin siya sa paaralan.

Lunes ng hapon naaresto si Sapla nang magpakita ito sa PLM para sunduin si Jenny.

Nahaharap ngayon ang suspek sa reklamong acts of lasciviousness at paglabag sa child abuse law.

Read more...