WATCH: Mga bus terminal sa Pasay, iniinspeksyon ng I-ACT; mga depektibong bus hindi pinayagang makabiyahe

Kuha ni Mark Makalalad

Bilang bahagi ng Oplan Ligtas Byahe at mahigpit na anti-colorum drive, nagsagawa ng inspeksyon ang Inter-Agency Council for Traffic sa mga bus terminal sa Pasay City ngayong Martes Santo.

Tulung-tulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Highway Patrol Group (HPG) at maging Philippine Army sa pagsita sa mga bus na may depekto at may problema sa kanilang pagbyahe.

Kabilang sa mga hinirang ang isang unit ng A. Arandia Line na may biyaheng Pioduran sa Ligao, Albay kung saan nasa 30 mga pasahero ang pinababa.

Nabatid kasi sa isinagawang inspeksyon na walang headlight, may sira ang seatbelt, at kalbo na ang spare tire ng naturang bus.

Naharang din ang isang unit ng Batman StarExpress na may biyaheng Nasugbu at Tagaytay dahil sa kalbo na gulong.

Habang ang isang DLTB bus naman na may byaheng Calbayog, Catbalogan at Tacloban ay pinababa rin ang mga pasahero dahil sa ‘cracked windshield’.

Samantala, ang ibang mga pasahero naman na pinababa, todo ang reklamo.

Maaga pa lang daw kasi ay nakapila na sila at may hinahabol na lakad.

Ayon sa I-ACT ang inspeksyon ay ginagawa nila ay kasunod na rin ng naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang ginawang pagbisita sa crash site sa Occidental Mindoro kung saan nahulog ang bus ng Dimple Star na kinasawi ng 19 katao.

Anila, magsasagawa pa sila ng inspeksyon sa mga susunod na araw para matiyak na ligtas ang byahe ng mga pasahero lalo pa ngayong Semana Santa.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...