Honasan, kokonsulta muna sa pamilya bago tanggapin ang alok ng UNA

 

Inquirer file photo

Nakiusap si Sen. Gringo Honasan sa United Nationalist Alliance na bigyan siya ng sapat na panahon para makausap muna ang kaniyang pamilya bago tuluyang tanggapin ang alok sa kaniyang tumakbo sa pagka-bise presidente.

Aminado kasi si Honasan na tutol ang kaniyang pamilya sa kaniyang pagtakbo sa mas mataas na posisyon, kaya nais niya munang maintindihan ng mga ito ang sitwasyon.

Nais niya rin aniya itong gawin nang sa gayon ay makagawa siya ng desisyon na higit na makabubuti sa bayan.

Hindi naman nasaktan si Honasan kung mistulang napilitan lamang ang UNA na kunin siya dahil sa walang makuhang ibang vice presdiential candidate lalo’t matapos silang tanggihan ni Sen. Bongbong Marcos na nagdesisyong tumakbo mag-isa.

Katunayan, ayon kay Honasan, karangalan ang maikunsiderang vice presidential candidate ng UNA at makahilera sina Senators Ferdinand Marcos Jr., Miriam Defensor Santiago at Panfilo Lacson na iilan lamang sa mga pinagpilian ng partido.

Nakahanda naman si Honasan na harapin ang maruming laro sa pulitika oras na sumabak na siya sa vice presdential race.

Iginiit naman ni Honasan na walang pressure sa kaniya sa pagtanggap sa nasabing alok dahil wala naman siyang deadline kung kailan siya dapat mag-anunsyo ng kaniyang desisyon, pero sinabi niya na gagawin niya ito bago ang filing ng certificate of candidacy na nakakda mula October 12 hanggang 16.

Samantala, tanggap at ikinagalak naman ng anak ni Vice President Jejomar Binay na si Sen. Nancy Binay ang pagtatambalan ng kaniyang ama at ni Honasan.

Para sa senadora, kuwalipikado si Honasan lalo dahil sa pagmamahal at malasakit nito sa bayan na ipinakita sa pamamagitan ng pagiging sundalo at pamumuno sa Reform the Armed Forces Movement na nagpasiklab sa EDSA People Power Revolution.

Iniisip naman ngayon ni Nancy kung alin sa Bi-Hon o Bin-Go ang mas magandang itawag sa tambalan ng kaniyang ama at ni Honasan.

Read more...