Ito ang inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Oscar Albayalde kaugnay sa nagpapatuloy nilang paglilinis sa kanilang hanay.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Albayalde na bagaman marami nang natanggal sa serbisyo, nasuspinde, na-demote at ang iba ay nailipat ng destino ay mayroon pa rin talagang mga tiwaling pulis na nananatili sa serbisyo.
“Kamakailan lang meron nga pong nahuling PO1 sa Marikina, ang sabi nga natin mukhang merong nakakapasok sa aming hanay from the very beginning. Merong kung minsang talagang nakakalusot, nakakapasok sa pagiging pulis, ‘yung iba may kaso pa. Siguro talagang kailangan naming paigtingin ang aming recruitment, probably unang-una ang background investigation bago makapasok ang isang sibilyan sa pagiging pulis,” ani Albayalde.
Ani Albayalde mula nang siya ay maupo sa pwesto sa NCRPO noong nakaraang taon ay marami-rami na ring pulis sa Metro Manila ang napatawan ng parusa dahil sa pagiging tiwali.
Kabilang dito ang 279 na natanggal sa serbisyo, 99 na na-demote, mahigit 800 ang suspendido at mahigit 390 naman ang inilipat sa ibang lugar.
Magugunitang sinibak ni Albayalde ang hepe ng Caloocan City police gayundin ang precinct commanders mula sa QCPD station 10 at Manila Police District station 11.