DFA, inaalam pa kung mayroong apektadong Pilipino sa sunog sa Russia
Patuloy pang inaalam ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung mayroon bang mga Pilipinong nabiktima at nadamay sa sunog na sumiklab sa isang mall sa Kemerovo, Russia.
Sa isang pahayag, nagpahayag ng pakikiramay si DFA Secretary Alan Peter Cayetano sa mga naiwang pamilya ng 56 katao na namatay sa naturang sunog.
Ayon kay Philippine Ambassador to Moscow Carlos Sorreta, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na report na kabilang ang mga Pilipino sa namatay. Ngunit aniya, magpapatuloy silang makikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Russia upang mag-monitor.
Maituturing na isa sa pinakamapaminsala ang nasabing sunog sa Russia.
Sa huling datos ng embahada ng Pilipinas, mula sa 8,000 ng mga Pilipino sa Russia ay 1,000 dito ang nakatira sa Sibera.
Patuloy naman ang paghahanap ng Russian authorities sa iba pang mga nawawalang mga tao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.