Ayon kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus, nakakabahala dahil contractual at underpaid na nga ang mga empleyado sa mga mall, mala-impyerno pa ang kondisyon ng mga ito sa kanilang pinagtatrabahuan.
Ito ay kasunod ng viral na larawan sa social media na nakapandidiri ang kondisyon ng restroom at locker room ng mga empleyado sa Landmark Makati.
Sa mga kumalat na larawan, makikita na puro lumot ang tiles at dingding, sira ang ceiling, madilim at tumutulo ang tubig sa sahig ng CR para sa mga mall workers.
Maliban sa Landmark Makati, paiimbestigahan din ng kongresista ang lahat ng mga mall sa Metro Manila na may kaparehong kondisyon.
Kaugnay nito Hinikayat din ni De Jesus ang mga mall employees na isumbong ang iba pang hindi magandang sitwasyon at pagtrato na ginagawa sa kanila ng pamunuan ng mga mall.